Marami kaming lumipad pagkataastaas
Kaysarap lumangoy sa mga ulap na busilak
Mga bagwis walang pagod sa kakukumpas
Ito ang buhay wala ng mahahangad!
Minsan napaaga ng gising agad bumalikwas
Pumaimbabaw sa langit na malapad
Nang biglang may hanging sa akin ay humampas
Kagagawan ng Agilang tunay na kay kintab!
Kay ganda! Kay kisig! Tunay na matikas!
Sa pagkabighani hinabol ko agad
Sa dagat, sa burol, sa mga talampas
Ako ay hiningal... tumigil.... malayo ang agwat.
Kinabukasa'y kinausap mga matatanda
Sa kanila sinabi aking pagkamangha
Ah si Joey iyon nakatira sa Ibaba
Sanay talaga iyon sa pakikipagdima!
Mga araw, linggo, buwan, taon ay nagdaan
Paunti ng paunti ang pumapailanlang
Sa wari ko ay napagod... katawan ay pagal
Ang iba ay naduwag tumago sa ilang.
Minsan sa itaas may agilang ding makintab
Kami ay nagpanghimok unahang makalampas
Pabilisang makarating sa bundok na kay taas
Sa huli'y ako ang nagwagi ng mahawi ang ulap.
Sabi nya sa akin ako daw ay higit
Ang ibang agila na sa una lang mabilis
Kapag unos at bagyo ay sumingkad humagupit
Nababahag daw kanilang mga bagwis!
Ang makintab na agila ngayon ay matanda na.
Ngunit sa tikas ng tindig walang pinagkaiba
Para pa ding dati malakas sa sultada
Gusto mong subukan? Dapat maghanda ka.
Sana isang araw palikpik ko ay kumintab din!
Sabay kaming lumipad sa ulap na malalim
Maglalakbay... makikipagbuno... hindi dadaing
Panginoon ... sana ay matupad itong munting hiling!
No comments:
Post a Comment